
Sa pagpasok ng buwan ng Agosto, muli nating ipinagdiriwang ang Buwan ng Wikang Pambansa. Naging tradisyon na ng mga Pilipino ang paggunita at pagbabalik-tanaw sa kahalagahan ng paglinang ng ating wika sa tuwing sasapit ang buwang ito. Ngayong taon, higit na mas malaki ang papel na gagampanan ng ating wika sa kabila ng patuloy na paglaganap ng pandemya sa bansa.
Hindi lingid sa kaalaman ng mga Pilipino ang kakulangan sa pagtangkilik at pagkilala sa wikang Filipino sa sarili nating bansa. Dulot ito ng patuloy na paggamit ng mga wikang banyaga bilang midyum sa pagpapahayag ng mga impormasyon sa mga eskwela, patalastas, anunsiyo, at marami pang iba. Dahil dito, hindi bukas para sa lahat ang oportunidad upang lubusang maunawaan ang bawat impormasyong kanilang nakakalap mula sa iba’t ibang midyum sapagkat hindi lahat ng Pilipino ay may kakayahang makapag-aral ng wikang banyaga o makasanayan ang paggamit nito.
“Wika ng Kasaysayan, Kasaysayan ng Wika” Ang mga Katutubong Wika sa Maka-Filipinong Bayanihan Kontra Pandemya ay ang tema ng Buwan ng Wika para sa taong ito. Layon nitong hikayatin ang mga kababayan nating magbayanihan upang labanan ang pandemya sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng mga impormasyon patungkol sa COVID-19 gamit ang wikang Filipino at maging ang iba pang mga katutubong wika sa bansa. Ginugunita rin ang halaga ng mandato ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na magpalaganap ng mas epektibong pamamaraan ng pamamahayag tungo sa pagkakaroon ng mas mainam na pagkakaunawaan sa sambayanan.
Bagama’t hindi magiging madali ang pagsasalin ng mga teknikal na impormasyon tungkol sa COVID-19, hindi ito dapat maging hadlang sa mga organisasyon upang makiisa sa adhikain na paglinang ng ating wika para labanan ang pandemyang ito. Itinatampok ng Lexcode ang ilan sa mga organisasyong ito bilang pagkilala sa kanilang inisyatiba upang maisakatuparan ang kani-kanilang layunin.

White Widget
Isa na dito ang kompanyang panteknolohiya na White Widget. Kamakailan lamang, inilunsad nito ang isang website na pinagtulungang mabuo kasama ng iba’t ibang tagasalin na boluntaryong nakibahagi upang isalin ang mga impormasyong kanilang itatampok, hindi lamang sa wikang Filipino ngunit maging sa labimpitong katutubong wika tulad ng Hiligaynon, Ilokano, Kapampangan, at marami pang iba. Matatagpuan ang website na ito sa fightcovid.app, kung saan maaari mong piliin ang wikang iyong pinakanauunawaan upang mas matiwasay na masagutan ang mga katangunan. Nagsasaad ito ng mga impormasyon upang mas malabanan at maiwasan mo ang COVID-19 at kung saan ka maaaring makipag-ugnayan kapag kinakailangan mo ng tulong. Naglagay rin sila ng mga artikulo at materyales na maaaring gamitin upang mas mapalawig ang kaalaman tungkol sa sakit na ito at marami pang iba. Madali rin itong maakses upang mas matulungan ang nakararami.

Philippine Genome Center
Maging ang Philippine Genome Center, isang institusyon sa pananaliksik, ay nakiisa sa inisyatiba. Kamakailan lamang, naglabas sila ng mga terminolohiyang may kaugnayan sa COVID-19 na isinalin sa wikang Filipino. Halaw ang mga ito sa salin ni Eilene Antoinette G. Narvaez, isang propesor sa departamento ng Filipino at ng pambansang literatura sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman. Bagama’t walang salin ang karamihan sa mga salitang agham, itinatampok nito ang mga paliwanag sa mga teknikal na terminolohiya maging ang mga proseso at konseptong kaugnay ng nasabing sakit sa paraang maiintindihan ng mga kababayan natin sa sarili nating wika. Halimbawa na lamang nito ang mga terminolohiyang tulad ng DNA Sequencing, pathogen, presintomatiko, biyoninformatika, at iba pa. Layon nitong linawin ang mga hindi pangkaraniwang katagang tulad nito upang mas maunawaan ng ating mga kababayan.

Language Warriors PH
Hindi rin pahuhuli ang Language Warrior PH. Isa itong grupo mula sa Departamento ng Linggwistika mula sa Unibersidad ng Pilipinas na naglalayong pagbuklurin ang mga tagasalin na nagsasagawa ng mga materyales ukol sa pagsugpo ng COVID-19. Layon rin nila ang pagsalin nito sa iba’t ibang wika sa bansa. Ilan lamang sa mga halimbawa ng impormasyong nakapaloob sa mga materyales na ito ay ang tamang proseso ng paghuhugas ng kamay, proseso ng pagbubukod, mga kagamitang panangga mula sa sakit, at marami pang iba. Isinalin nila ito sa humigit-kumulang pitumpung wika sa ating bansa. Bukod dito, patuloy sila sa pagbabahagi ng mga impormasyon na makatutulong sa laban ng mga Pilipino sa pandemyang ito, maging ang paghahayag ng kahalagahan ng inisyatiba ng kanilang grupo.
Ilan lamang ang mga ito sa mga organisasyong patuloy na nakikiisa sa adhikain ng paglinang ng ating wika sa paglaban sa salot na kumakalat sa ating bansa at sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Kahit magkakaiba ang kanilang mga pamamaraan upang isulong ang ating wika sa kabila ng pandemya, sama-sama sila sa paninindigan sa iisang adhikain. Sila ang patunay na maaaring makamtan ang maka-Filipinong bayanihan upang tuluyang masugpo ang COVID-19. Ang bayanihang ito ay matagal nang naging parte ng pagkakakilanlan natin bilang mga Pilipino—anumang dagok ang ating harapin, malalampasan natin ito basta tayo ay kapit-bisig at tapat sa iisang prinsipyo.
Hindi man madalas na nabibigyang-pansin ang kahalagahan ng ating wika sa araw-araw nating pamumuhay, oras na para makiisa tayo sa muling pagtataguyod nito. Magbibigay-daan ito hindi lamang sa pakikipaglaban natin sa COVID-19, kung hindi pati sa pag-angat ng antas ng literasiya sa ating bansa. Makatutulong ito upang mas maintindihan ng mga Pilipino ang mga impormasyong kanilang nakakalap. Halimbawa nito ay ang pagsunod sa mga panuto, pag-intindi sa batas, pag-aaral ng mga makabagong bagay, mas epektibong pagtatrabaho, at marami pang iba. Magagamit natin ito upang mas mapaunlad ang ating mga sarili. Isa rin itong oportunidad sa mga kababayan nating kinalakihan na ang paggamit ng katutubong wika. Sa ganitong paraan, mababawasan ang pang-aabuso sa sistema at mas lalaki ang posibilidad na maiahon ng ating mga kababayan ang kanilang mga sarili mula sa kahirapan.
Uruguay, Korea, Croatia, Germany, at Japan—ilan lamang ito sa mga bansang naging matagumpay sa pakikipaglaban sa Covid-19. Buhat ito ng maayos na administrasyon at higit sa lahat ay ng matiwasay na pagpapahayag ng impormasyon sa kanilang nasasakupan. Kilala rin ang mga bansang ito sa pagkakaroon ng mataas na antas ng literasiya kumpara sa ibang bansa. Sinisiguro nila na parte ng pakikipaglaban ng tao sa sakit ang kanilang karunungan at pagiging maalam sa impormasyong ibinabahagi sa kanila. Malaking bahagi nito ang paglinang ng sarili nilang wika sa pagbuo ng nilalaman ng mga ginagamit na midyum. Sa ganitong paraan, mas napoprotektahan nila ang kanilang mga sarili at maging ang mga mahal nila sa buhay laban sa sakit.
Panahon na upang imulat ang ating mga mata at buksan ang ating puso. Yakapin natin ang isang maliwanag na bukas at makiisa sa pagtangkilik ng ating wika hindi lamang bilang sandata sa panganib na dala ng pandemya kung hindi para sa kaunlaran ng ating bansa. Sabay-sabay nating isulong ang isang maka-Filipinong bayanihan na siyang tanda ng isang ligtas, makabayan, at maunlad na Pilipinas.