Isang Munting Pagkilala sa Kababaihan

Sa lipunang ito, kailangang may magpaalala sa atin na marami pa ring kababaihan sa mundo ang hindi nakatatamasa ng mga karapatang mayroon ang kalalakihan, kaya mahalaga ang paggunita sa International Women’s Day tuwing ika-8 ng Marso. Sa Pilipinas nga ay buong buwan ng Marso pa ang inilaan para rito. Kung tutuusin, dapat ay araw-araw kilalanin ang mga babae sa pamamagitan ng pagbibigay-solusyon sa mga problemang kinakaharap nila sa ating bansa at sa buong mundo.

Sa mga kompanya sa iba’t-ibang bansa, mas nakararami ang lalaking nabibigyan ng pagkakataong maging lider. Kaya nakatutuwang makita na sa Lexcode kung saan ako nagtatrabaho, nabibigyang-puwang ang kababaihan sa pamumuno at pagpapalago ng kompanya. Mahigit 80 porsyento ng Lexcodians ay babae at hinahangaan ko ang kanilang mga kakayahan.

Maging sa larangan ng interpretasyon, mas marami ang mga babae sa listahan ng aming mga propesyonal na interpreter. Dominante ang kababaihang tagasalin sa anuman ang wika, batay sa aking karanasan sa paghahanap ng conference interpreters para sa mga proyekto ng aming team. Pantay ang pagbibigay namin ng oportunidad sa kanila, na nakabatay sa galing at karanasan.

Hindi na nga biro ang inabot ng women’s movement sa pag-abot ng hangaring itaas ang dignidad ng kababaihan. Gayunpaman, nakararanas pa rin sila ng hindi makataong pagtrato sa bahay man o trabaho, ayon mismo sa United Nations.

Bilang isang anak at kapatid sa isang pamilyang mas nakararami rin ang mga babae, saksi ako sa magagandang katangian ng aking mga lola, ina, ate, at tita. Nakalulungkot lang na pagbukas natin ng telebisyon at radyo, o sa paggamit ng internet lalo na sa labas ng tahanan, kung anu-anong porma ng diskriminasyon ang maaaring masaksihan at matutunan ng kabataan. Madalas ipakitang ang mga babae ay iyakin at mahina at ang kalalakihan ang inaasahang tagapagtanggol habang ang mga babae ay tagapangalaga, kahit pa maaari namang gampanan ng alinmang kasarian ang parehong papel.

Kapag nakikita ko sa balita ang mga babaeng sinasabuyan ng asido, hindi ko lubos maisip na may mga bansa pa ring nagtuturing sa kanila bilang second class citizens, na noon ay hindi sila maaaring mag-aral o bumoto at maaari silang sapilitang ipakasal at ipagbili. Hindi kataka-takang sa kasaysayan, maraming kababaihang nag-aklas at nakibaka para sa kanilang dignidad at sa kalayaan ng kanilang mga bansa.

Mapalad ako na sa Pilipinas ako isinilang, kung saan hanggang ngayon, nakikita ko ang aktibong pakikilahok ng kababaihan sa lipunan. Masaya akong maging kabilang sa isang organisasyon kung saan pantay ang karapatan ng mga babae at lalaki sa pag-unlad, kung saan hindi kami limitado sa tradisyunal na gender roles. Bagamat namamayani pa rin ang machismo sa bansang ito, panatag akong hinding-hindi magpapaapi ang mga Pinay.